MANILA, Philippines – Napaindak ang mga huradong sina record company executive Ito Rapadas, singer/actress Carla Martinez at Doktor Musiko Mon Del Rosario sa awiting “Mahal Mo Ako” na nanalong “song of the week” sa ikatlong linggo ng Pebrero sa A Song of Praise (ASOP) Music Festival, Linggo ng gabi.
Ang naturang reggae beat music ay obra ni Maria Loida Estrada na taga-Zamboanga City.
Malaki ang pasasalamat ni Loida sa kanyang ina na avid viewer ng ASOP dahil ito ang nag-encourage sa kanya na isali ang kanyang likhang awit.
“Siya talaga ‘yung number 1 fan. Every nanay naman number 1 fan. So siya ‘yung nag-push na, “ipadala mo ‘yung mga kanta mo”, saad nito.
Lapat na lapat naman sa boses ng tinaguriang “Acoustic Sweetheart of Asia na si Sabrina ang naturang papuring awit.
“Sobrang na-inspire ako na pagandahin pa lalo ‘yung kanta tsaka bigyan ng justice ‘yung magandang composition niya. Ang ganda kasi, ‘di ba?”
Pagmamalaki pa ni Sabrina, marami syang natutunan sa paglikha ng awit mula noong una syang naging interpreter sa ASOP Year 1 na kanyang ginamit naman sa pag-ayos ng ilang bahagi ng awit ni Loida.
“Nag-take down din ako ng notes kung pa’no ‘yung mga pattern ng chords para catchy… gano’n. Tapos nung narinig ko ‘yung song niya, ‘yung part na may ‘oh, oh, oh’, perfect ‘to, i-enhance na lang natin,” dagdag pa ng singer.
Tinalo ng “Mahal Mo Ako” ang dalawang power ballad entry na “Hayag Na Pag-Ibig” ni Francisco Trance na inawit ng dating birit queen na si Justine Draper at “Dios Ay Sapat” ni ASOP Year 3 grand finalist Ricardo Sanchez na inawit naman ng 2014 Europop 1st placer na si Ana Katrina Ramsey. (Adjes Carreon / UNTV News)