QUEZON CITY, Philippines — Aabutin pa ng ilang araw ang isinasagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights bago ito makapagpalabas ng rekomendasyon kaugnay ng banggaan ng mga raliyista at mga pulis sa SONA ng Pangulo.
Ayon kay CHR-NCR Atty. Dennis Mosquera, hinihintay pa nila ang mga video footages upang makita kung sino ang pasimuno ng kaguluhan.
“Meron po kaming ni- request na video footage from QCPD, yun po ung hinihintay ng mga imbestigador para makapag-submit sila ng report.”
Gayunma’y, sinabi nito na tapos na nilang interbiyuhin ang ilang nakasama sa kaguluhan sa Commonwealth Avenue.
Ani Mosquera, “Yung aming mga imbestigador magsa-submit ng final report. Then, magkakaroon po ng resolution ang aming office kung mayroon bang nalabag o walang nalabag.”
Idinagdag pa ng abogado na posibleng pakasuhan ng administrative case ang mga pulis kung mapapatunayan na sila ang nag-umpisa ng gulo at kasong criminal naman sa mga raliyista.
Nais ng CHR na mabatid ng mgkabilang panig ang magiging rekomendasyon nila upang maiwasan na ang kaguluhan sakaling magkaharap muli ang pulisya at demonstrador sa isang rally. (LEA YLAGAN, UNTV News)