MANILA, Philippines – Walang mapapala ang Philippine National Police kung patuloy na pagtatakpan ang isyu ng umano’y partisipasyon ng tropa ng Estados Unidos sa Mamasapano operation noong January 25.
Ito ang pahayag ni PNP Spokesman Police Chief Supt. Generoso Cerbo.
Nilinaw nitong kung tumulong man ang mga sundalong Amerikano, ito ay sa aspeto lamang ng medical at rescue operation na dati nang ginagawa sa pagitan ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Cerbo na ilang beses na ring ipinahayag ni dating PNP Special Action Force chief Police Director Getulio Napeñas na hindi nakilahok ang Amerikano sa naturang operasyon.
“Base sa mga statement ni Gen. Napeñas, talagang solely Special Action Force lang yung nag-operate dito sa Mamasapano, walang nabanggit doon about direct involvement ng mga US counter parts except for medical at tsaka rescue na support,” saad pa ni Cerbo.
Iginiit pa ng heneral na naipaliwanag na ito sa ibat-ibang investigating bodies.
Umapela rin ang pamunuan ng pambansang pulisya na hintayin na lang ang resulta ng imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry o BOI.
Ayon kay Cerbo, tiyak na lalabas naman sa imbestigasyon kung sumali talaga ang Amerikanong sundalo sa paghuli kay Marwan.
“Tingnan natin yung inquiry na ginagawa tungkol dyan, our Board of Inquiry at investigation ng Senate at House,” saad pa ni Cerbo.
Isang buwan ang ibinigay ng pamunuan ng PNP sa BOI upang tapusin ang imbestigasyon sa Mamasapano clash at sa kasalukuyan ay nasa tatlong linggo pa lamang simula ng simulan ang imbestigasyon na pinamumunuan ni CIDG chief Police Director Benjamin Magalong.
Una na ring itinanggi ng Estados Unidos ang umano’y pagbabantay ng walong Amerikano sa command post ng SAF noong araw ng operasyon.
Gayunman, tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) na iba-validate nila ang naturang impormasyon. (Lea Ylagan / UNTV News)