Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Palparan, pinabulaanan ang umano’y pagdukot at pagtorture sa 2 UP students

$
0
0

FILE PHOTO: Retired Major General Jovito Palparan (UNTV News)

MANILA, Philippines – Pinabulaan ni retired Major General Jovito Palparan ang mga akusasyon ng isa sa mga saksing iniharap ng prosekusyon sa umano’y pagdukot at pag-torture sa dalawang estudyante ng UP na si Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.

Nitong Lunes ay iniharap ng prosekusyon sa sala ni Judge Teodora Gonzales ng Malolos Regional Trial Court Branch 14 ang testigong si Raymond Manalo para sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban kay Palparan.

Ayon kay Manalo, dinukot siya ng umano’y mga cafgu at ilang myembro ng 24th Infantry Batallion nang mapaghinalaang miyembro ng NPA noong March 2006 sa Barangay Buhol Mangga, San Ildefonso, Bulacan.

Dinala umano siya sa Fort Magsasaysay sa Nueva Ecija at doon pinahirapan sa pamamagitan ng pagpaso ng sigarilyo, pagpalo ng baril at binuhusan ng gasolina upang sunugin.

Hindi umano natuloy ang pagsunog dahil sa isang tawag ng isang babae upang sabihing ihaharap siya sa kanilang boss.

Mayo noong 2006 nang dalhin siya sa isang basketball court sa Barangay Sapang, San Miguel, Bulacan at doon niya nakita ang sinasabing boss na si General Jovito Palparan.

“Malilinaw sinabi ko at malalaking kampo pinagdalhan sa amin, di naman kampo ng NPA ang Kampo Tecson at Forth Magsaysay, Nueva Ecija. Siyempre pasisinungalingan niya yun dahil iyun totoo dahil kung di nya ako nakausap, di ko alam yung 1500 at binigay sa aking gamot na alive,” pahayag ni Manalo.

Matapos ang pag-uusap ay dinala umano silang magkapatid sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan noong August 2006 at doon niya nakita at nakausap sina Sherlyn Cadapan, Karen Empeno at Manuel Merino.

Dito umano ginahasa si Sherlyn ng isang Seargeant Donald Cagas, ang leader ng 24th Infantry Battalion.

November 22, 2006 naman nang dalhin silang lima sa Limay, Bataan matapos na mahulihan ng sulat si karen para sa kanyang ina. Dahil dito muling isinalang sa torture si Karen.

Sa sumunod na mga araw, hindi na niya nakita si Karen at dalawa pa nilang kasamahan.

Itinanggi naman ni Palparan ang mga impormasyong isiniwalat ni Manalo sa korte.

Aniya, “May nakita kaming inconsistences, may mga idinagdag, na isa-subject namin sa scrutiny. Nakikita ko hindi makatotohanan mga sinabi ng witness nila hindi totoo in fact wala naman syang sinabi talaga na nagpakilala ako. Nakilala nya ako papaano nya ako nakilala hindi naman nya ako dating kilala hindi naman kami nagkita, yan mga tanung ko na itatanung din namin sa kanya. Retired na ako. Wala na ako talaga doon. Kung totoo yun, mukhang masyado naman yung kanyang testimony.”

Samantala, napaluha naman ang ina ni Karen Empeño matapos marinig ang salaysay ng isa sa mga saksi ukol sa sinapit ng kanyang anak sa kamay ng mga dumukot dito.

Panawagan nito na sana’y agad na makamit ang hustisya para sa kanyang anak

“Ang hapdi ng ginawa sa mga anak namin, hindi ko matangap,” ani Aling Concepcion Empeño, ina ni Karen.

“Si Palparan, makulong ma-convict at makamit ang hustisya aming inaasam,” saad pa nito.

Sa susunod na Lunes, nakatakda namang iharap sa korte ang ikalawang testigo na si Reynaldo Manalo, kapatid ni Raymond na isa rin sa sinasabing dikukot ng mga militar. (Nestor Torres / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481