MANILA, Philippines – Hindi mailagay sa salita ang nararamdaman ni Mang Gil Velez para sa kanyang dalawang anak.
Ampon man ang mga ito, subalit, itinuturing niya itong mga biyaya kaya’t pinapahalagahan nila itong mag-asawa.
“Hindi namin iniisip na sila’y adopted. Ang iniisip namin sila ay anak faith, blessing, heart and puso, anak namin sila,” pahayag ni Mang Gil.
Ang mga ganitong magulang ang hinahanap ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga batang naghihintay ng pagkalinga.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng Adoption Consciousness Week na nagsimula ngayong araw ng Martes hanggang February 28.
Binibigyang diin sa okasyong ito ang pagkakapantay ng karapatan ng biological at legally-adopted children.
Sa datos ng DSWD, umaabot na sa apat na libo ang mga batang nasa kanilang pangangalaga at nakahanda na upang ampunin.
Ayon kay Secretary Dinky Soliman, ilan sa mga batang ito ay inabandona ng mga magulang sa lansangan o sa ospital pagkapanganak o sa ampunan.
Isa ang Infant Care ng Kamanggagawa Foundation Incorporated (KFI) sa mga kumakalinga sa mga ito.
Nasa dalawang milyon naman ang tinatayang hindi pa legal na naampon sa bansa.
Bagama’t ang iba’y kinakalinga na ng kanilang mga kamag-anak pagkatapos ng isang aksidente o kalamidad gaya ng bagyo.
“Madalas ang sitwasyon na yun inalagaan na nila yung bata at gusto nilang bigyan ng pangalan at karapatan kasi yun ang nangyayari sa legal adoption,” ani Soliman.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa hudikatura upang mapadali ang prosesso ng pag-aampon.
Katuwang ng DSWD ang DILG at DOH sa kampanyang ito.
Ayon sa DSWD, may tamang paraan at panahon upang maipaalam sa mga bata na sila ay ampon. Ang mahalaga anila ay maiparamdam ng mga magulang ang nararapat na pagmamahal upang matanggap ng mga bata ang katotohanan.
Ang DepED naman ay makikipagtulungan sa pamamagitan ng pagkukuwento sa mga paaralan ng magagandang karanasan ng mga ampon.
Ayon kay DepED Secretary Armin Luistro, “Binabago natin yung mga kwento na meron palang mga bagong kwento ng pag-aampon na hindi naman pala kawawa o hindi mahal yung bata bagkus talagang pinili na nga itong batang to at lalo pa siyang minahal.”
“Alam mo hindi ka naman nanggaling sa nanay mo eh!”. Yun ang talagang traumatic sa bata kasi ang mangyayari, san pala ko galing? Ano pala ko? Hindi pala ko talaga anak! Ano kaya ang pinanggalingan ko? Dun nagsisimula yung trauma kaya kung bata pa lang at sinasabi mo na na alam mo na galing ka sa isang malayong lugar pero kinuha ka namin at minahal. Nasa consciousness niya na hindi siya galing sa tiyan pero mahal na mahal ako,” saad pa ni Sec. Soliman. (Rey Pelayo / UNTV News)