MANILA, Philippines — Naghain na rin ng courtesy resignation si Presidential appointee Deputy Commissioner for Administration Juan Lorenzo Tañada kay Pangulong Aquino.
Si Tañada ang pangatlong opisyal ng Bureau of Customs na nag-tender ng resignation mula noong araw ng SONA ng Pangulo.
Ang una ay si Commissioner Ruffy Biazon na kaagad na hindi tinanggap ng Pangulo na sinundan agad ni Deputy Commissioner for Intelligence Danilo Lim at pangatlo nga si Tañada ngayong araw ng Miyerkules.
Ang resignation ng mga opisyal ay bunsod ng pasaring ng Pangulo sa kanyang SONA na isa ang Bureau of Customs na talamak ang korupsyon.
Ayon kay Tañada, una na niyang inabisuhan si BOC Commissioner Ruffy Biazon hinggil sa planong pagbibitiw bago nagsumite ng kaniyang formal letter sa Palasyo.
“Bilang isang mabuting sundalo, minarapat ko pong gawin yung ginawa ni Comm. Biazon which is siyempre as a courtesy to give our chief executive the free reign to determine wether or not we still enjoy his confidence and if he believes we are still fit to carry our duties as deputy commissioner.”
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Tañada ang padrino system na namamayani sa customs bureau.
Ayon sa kanya, ilang beses na rin siyang nakatanggap ng mga tawag na humihingi ng pabor kagaya ng promosyon para sa ilang empleyado ng ahensya pero wala siyang pinagbigyan isa man sa kanila.
Pagsasalaysay ng halimbawa ni Tañada, “Pwede ba nating bigyan ng trabaho itong tao na ito sa bureau, pwede bang pagbigyan na ma-promote, pwede bang bigyan natin ang taong ito ng pagkakataon na maglingkod sa division na ito…. marami pong mga hinihingi.”
Pinsan ni Dep. Comm. Tañada si former Quezon Province Representative Erin Tañada na mula sa kaparehong partido ni Comm. Biazon.
Malapit na kaibigan si Tañada ni Biazon na dinala nito sa kagawaran matapos ang appointment nito sa BOC.
Hinihintay na lamang ngayon kung tatanggapin ng Pangulo ang mga resignation letters ng dalawang opisyal.
Ani BOC Commissioner Ruffy Biazon, “It’s really a response to what the President has said in his SONA. Meron siyempre batikos sa ahensya na directed to everyone and everyone of us has to respond.”
Samantala, hindi naman inoobliga ni Biazon ang ibang opisyal na sundan ang kanilang ginawang pagbibitiw.
Naniniwala rin si Comm. Ruffy na mas magandang ipaubaya na lamang sa publiko ang pagpapasya kung anong uri ng mga opisyal ba sa BOC ang mga hindi magbibitiw kasunod nila. (FRANCIS RIVERA, UNTV News)