MANILA, Philippines – Dalawang linggo mula ngayon, sisimulan na ng Smartmatic ang diagnostics at refurbishing sa 82,000 PCOS machines.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, sa ngayon ay inaayos na lamang ang iba’t-ibang istasyon sa warehouse sa Cabuyao, Laguna na dadaanan ng mga makina kapag sinimulan na ang proseso.
At dahil ang mga lumang PCOS machine pa rin ang gagamitin para sa 2016 elections, ikinukonsidera sa ngayon ng poll body na gamitin ang 2013 source code.
“If there are no changes to the software configuration if there are no refurbishments included in the software or any changes in the software then the source code will remain essentially the same. We can just have that re certified and then it can be used,” pahayag ni Jimenez.
Target naman ng komisyon na buksan ang source code review sa mga interesadong partido sa May 15 ng taong ito.
Sakop na rin dito ang pagreview sa source code ng 23,000 mga bagong OMR machines at mahigit 400 DRE machines.
“Were scheduling everything by May of 2015 or if there is no failure of bidding meaning may award kasi pag there’s no award may failure of bidding basically wala. But if we decide the 2013 then we can start the source code for the 2013,” pahayag ni COMELEC acting Chairman Christian Robert Lim.
Samantala, kaninang umaga ay nagtungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sina Lim, Commissioner Luie Guia at Executive Director Jose Tolentino.
Ito ay upang buksan ang vault compartment no. C-06 na pinaglalagyan ng Mosler Safe na naglalaman ng 2010 at 2013 source code.
Batay sa kahilingan ng BSP, magsasagawa ito ng renovation o paglalagay ng partition sa compartment na pinaglalagyan ng Mosler Safe.
Inabisuhan ng COMELEC na magpadala ng kinatawan ang Liberal Party, Nacionalista Party, PPCRV, NAMFREL, Joint Congressional Oversight Committee, House Committee on Suffrage and Electoral Reforms At COMELEC Advisory Council upang sumaksi, ngunit kahit isa ay walang dumating.
“The safe that the source code is placed is quite big so we have to maximize the space so we partition it into 3,” pahayag ni Rogelio Garcia, Deputy Director, Public Relations Group ng BSP.
“Hindi natin bubuksan ang Mosler Safe all that I will do is open the lock of the compartment,” pahayag naman ni Executive Director Jose Tolentino.
Matapos ang renovation, ilalagay na ang Mosler Safe sa resized compartment. Dokumentado ng CCTV ng BSP ang buong proseso.
Ayon sa tagapagsalita ng COMELEC, hindi pa rin itinatapon o ibinabasura ang source code na ginamit sa dalawang nakalipas na national elections.
“That’s a very important record hindi yan basta-basta itatapon lang. It can be used as reference for future study. It can be used as reference if ever a legal question is raised relative to that,” saad pa ni Jimenez. (Victor Cosare / UNTV News)