QUEZON CITY, Philippines — Sang-ayon ang ilang kongresista sa sinabi ni Senador Miriam Defensor-Santiago na magkaroon ng uniform ang mga mambabatas sa kapag may State of the Nation Address ng Pangulo.
Pabor si Camarines Sur Representative Leni Robredo na gawing simple ang kasuotan sa SONA.
Aniya, naaagaw ng mga magagarang damit ng mga mambabatas at mga dumadalo ang atensyon ng sambayanan sa SONA ng Pangulo.
Ayon kay Robredo bago ang SONA, tinatanong na siya ng media kung ano ang disenyo ng kanyang damit at kung sino ang gumawa nito.
“Nakaka-demean. Kasi yung SONA di naman ganun eh. Ako talagang ni-refuse kong sagutin ang kahit anong tanong (patungkol sa aking suot noong SONA) kasi it takes the attention of what is really important.”
Para naman kay Representative Kaka Bag-ao ng Dinagat Island, hindi na dapat gawing “big issue” ang damit ng mga mambabatas .
“Uniform man yan o hindi uniform, hindi mahalaga sa akin ang usapin. Sana sa akin ay ang mas focus ng SONA ay kung ano ba ang gagawin natin o ano ginagawa natin para umangat ang buhay ng mamamayan.”
Sinabi rin niya na hayaan na lamang silang ipakita ang kanilang kultura at adbokasiya sa pamamagitang ng kanilang suot na damit. (BIANCA DAVA, UNTV News)