MANILA, Philippines — Patuloy na makararanas ng mga pag-ulan ang Luzon, Visayas at Mindanao kahit walang bagyo.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), epekto ito ng Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Tacloban City at nakapaloob sa Inter-tropical Convergence Zone (ITCZ) na umiiral sa Palawan, Visayas at Mindanao.
Sa pagtaya ng Pagasa, patuloy na makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa partikular na ang Bicol Region, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Visayas at Quezon Province na maaaring magdulot ng flashflood at landslide.
Ang Metro Manila ay makararanas din ng maulap na papawirin at maulang panahon kaya’t pinapayuhan ang publiko na magdala ng kaukulang pananggalang. (UNTV News)