BENGUET, Philippines – Sugatan ang 23 pasahero matapos mahulog sa 37 talampakang bangin ang isang bus ng Victory Liner sa Brgy. Taloy, Tuba, Benguet alas-3 ng madaling araw nitong Martes.
Ayon sa imbestigasyon, galing ng Maynila ang bus at paakyat ng Baguio City sakay ang 44 na mga pasahero nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa konduktor ng bus na si Michael Rodriguez, binabagtas nila ang kahabaan ng Marcos Highway nang makasalubong ang humahagibis na truck at wala sa tamang linya.
“Sinalubong po kami, kinain po yung daan yun po yung pangyayari talaga. Ngayon iniiwas po ng driver ko para hindi kami magface to face siguro pagka mag face to face may mamamatay sa amin buti naman po nung nakuwan ko wala naman nangyari sa amin,” salaysay nito.
Dahil iniwasan ng driver ang kasalubong nitong truck, tuluyang nahulog sa bangin ang bus.
Kabilang sa mga sugatan ang driver ng bus na kinilalang si Levy Lipad at isang 10-month old na sanggol.
“Pagdating namin dito yung ibang mga pasahero nandun sa may waiting shed yung iba naman naihatid na sa hospital may mga minor injuries, salamat sa Dios wala naming namatay sa 46 including sa driver at yung baby, wala namang injuries na major usually its more on cuts and bruises,” pahayag ni Bing Atienza, CDRRMC Baguio City Emergency Responder.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang aksidente. (Grace Doctolero / UNTV News)