MANILA, Philippines — Planong buhayin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang paglalagay ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa mga pampasaherong bus.
Kasunod ito ng ilang naitalang kaso ng pangho-holdap sa mga bus nitong nakaraang linggo na ikinasawi ng isang call center agent at isang chef.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nakababahala na ang mga insidente ng bus robbery na maaari namang masawata sa tulong ng CCTV.
Sa pamamagitan nito ay madaling makikita ang mga nangyayari sa loob ng bus; at matatakot naman ang mga holdaper dahil madali silang makikilala.
Habang hindi pa ito naipatutupad, nagpaalala ang MMDA sa mga bus operator na huwag gawing tinted ang salamin ng mga bus at huwag ding ibaba ang kurtina.
Ito ay upang makita ang nangyayari at agad makatawag ng saklolo kung may krimen sa loob ng bus. (UNTV News)