MANILA, Philippines — Naniniwala si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na panahon na para magdaos ng traffic summit upang masolusyunan ang lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Sa isinagawang pag-aaral ng senador, lumalabas na aabot sa 150-bilyong piso kada taon ang nasasayang dahil sa problema sa trapiko sa kalakhang Maynila.
Katumbas na ito ng isang porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Ayon kay Recto, bukod sa problema sa trapiko, malaki na rin ang problema sa mga pagbaha sa kamaynilaan.
“If you make Metro Manila work properly, then mas maraming magkakaroon ng pagasa its easier to make the entire country work as well.”
Ayon pa kay Recto, maaaring magpulong sa summit ang mga opisyal ng Local Government Unit (LGU) upang talakayin ang iba’t ibang solusyon sa problema na kapaki-pakinabang sa lahat.
Sa pamamagitan din ng summit, maaaring buoin ang mga batas na makapagpalabas ng pondo para sa mga programang may kaugnayan sa traffic.
“There is no silver bullet that will solve the traffic problem, there are many things I suppose need to be done, himayin natin ito, pagusapan natin ito,” pahayag pa ng senador.
Samantala, isusulong din ni Senador Recto ang pag-recruit ng dagdag na 400 MMDA traffic enforcers na tutulong sa pagmamando ng trapiko sa Metro Manila mula umaga hanggang gabi.
Ayon kay Recto, matagal na panahon pa ang hihintayin bago maisakatuparan ang tunay na solusyon sa trapiko, tulad ng elevated highway sa EDSA, dagdag na mga bagon at linya ng MRT at LRT.
“Matagal maglatag ng mga bagong kalsada at highways subalit madaling magdagdag ng traffic enforcers na poposte sa mga kritikal na intersection sa buong Metro Manila mula umaga hanggang gabi, tag-araw man o tag-ulan,” anang senador.
Iminungkahi rin ni Recto ang pagbibigay ng hazard pay sa traffic enforcers na nakalalanghap ng mga usok ng sasakyan sa maghapong pagtayo sa mga kalsada.
“Talaga namang mapanganib sa kalusugan ang lumanghap ng itim na usok mula sa tambutso ng jeep, bus, kotse at motorsiklo. Napapanahon na sigurong bigyan din natin ng hazard pay ang traffic enforcers, na bukod sa palaging nasa panganib ang buhay na masagasaan o mapagdiskitahan ng maiinit na ulong motorista, ay nanganganib ding magkaroon ng sakit sa pulmon at baga.” (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)