MANILA, Philippines – Kabilang ang apat na Pilipino sa 9 na foreigners na dinukot ng mga armadong lalaki sa Al Ghani oil field sa Libya noong Marso 6.
Ito ang kinumpirma ni Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose ngayong Lunes.
“The Fils were working for VAOS Oil Services, an Austrian-owned company that is headquarters in Tripoli. There are 52 other Fils employed by VAOS but they were evacuated from Al Ghani much earlier,” pahayag nito.
Noong Pebrero, tatlong Pilipino ang una nang dinukot ng hindi pa tukoy na grupo sa Mabruk Oil Field, Libya.
Ayon kay Jose, patuloy na nangangalap ng impormasyon ang DFA at Philippine Embassy sa Libya ukol sa kinaroroonan ng mga dinukot na Pilipino.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga employer ng naturang mga OFW.
“The embassy has stepped up coordination with the VAOS officials and authorities to locate the abducted Filipinos and work for their safe and immediate release,” saad pa ni Jose.
Muli namang hinikayat ni Jose ang mga overseas Filipino worker sa Libya na magpalista na sa repatriation program ng pamahalaan.
Hunyo ng nakaraang taon pa nang ipatupad ng DFA ang alert level 4 o mandatory repatriation sa Libya, kung saan tinatayang apat na libong OFW na rin ang napauwi sa bansa.
Tiniyak rin ng DFA na gumagawa ng hakbang ang pamahalaan upang mailayo sa kapahamakan ang mga manggagawang Pinoy sa Libya. (Bianca Dava /UNTV News)