MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang ginawang pagsasalita ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Lunes hinggil sa Mamasapano operations.
Ayon kay PNP Public Information Office head Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., hindi ito makaaapekto sa Board of Inquiry report taliwas sa mga lumabas na balita.
Nitong Lunes ay humingi pa ng palugit ang BOI bago ilabas ang report sa Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao.
Sinabi ni Cerbo na may integridad ang pinuno ng BOI na si CIDG chief Police Director Benjamin Magalong na 37 taon ng nasa serbisyo.
“Wala namang nagbago eh even the statements of the President hindi naman yan kahapon lamang sinabi even yung mga earlier pronouncement very consistent naman na ganon ang stand ng President, so I don’t think yung activity kahapon ay makakaapekto sa ginagawa ng BOI,” pahayag ni Cerbo.
Idinepensa rin ng PNP ang naging sentimyento ni Pangulong Aquino kay dating SAF chief Dir. Getulio Napeñas.
“Pag nagpa-operate ka ay ikaw ang nagpaplano, eh perhaps pwede kong i-relay sa immediate superior ko ang gagawin ko, perhaps pwede akong manghingi ng guidance pero at the end of the day responsibility ko yun,” paliwanag pa ni Cerbo.
Iginiit pa ng opisyal na hindi na dapat pang ibigay ang sisi sa mas nakatataas na opisyal lalo na’t nagbigay lamang ito ng guidance sa operasyon.
Itinanggi din ng tagapagsalita ng PNP ang sinabi ng abogado ni Napeñas na may direktiba ang pamunuan ng pambansang pulisya kung saan pinagbawalan itong magpa-interview sa media upang ipagtanggol ang kanyang sarili. (Lea Ylagan / UNTV News)