MANILA, Philippines – Magsasampa na ng kaso laban sa apat na miyembro ng teroristang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nahuli ng mga militar sa pinagkukutaan nito sa Brgy. Liab, Datu Piang noong Biyernes.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP na si Brigadier General Joselito Kakilala, nai-turn over na ang mga nahuling bandido sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
“They were turned over sa PNP for the appropriate filing of the cases,” saad nito.
Kinilala ang mga nahuling miyembro ng BIFF na sina Aladin Panaydan, Daud Balogat, Ebrahim Oraw, at Abdul Madalidaw.
Nabawi sa kanila ang iba’t ibang kalibre ng baril, mga gamit sa paggawa ng improvised explosive device (IED), cellphones at mga dokumento.
Samantala, iniulat naman ni Kakilala na nagsasagawa na ng pagsusuri ang PNP-Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa isang nasawing BIFF member na kamukha ng isa sa mga nasa listahan ng international terrorists.
“The SOCO right now is conducting a medico-legal for the DNA to determine the identity,” ani Kakilala.
Aminado naman ang AFP na isang malaking hamon sa kanila ang pagtugis sa teroristang grupo dahil sa iniiwasan nilang madamay ang mga sibilyan.
“You know the terrain, the marshlands, the areas are swampy, and they have the luxury of the precision of the terrain cause they are from there,” pahayag pa nito.
Samantala, dahil sa isinasagawang all-out offensive ng AFP sa BIFF ay nakubkob nito ang mga pagawaan ng improvised explosive device na malaking banta sa buhay ng mga sibilyan. (Rosalie Coz / UNTV News)