Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Plea bargaining sa Laude murder case, pinag-aaralan ng prosekusyon

$
0
0

FILE PHOTO: US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton (UNTV News)

MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon, dumalo ngayong Martes sa pagpapatuloy ng pre-trial sa kasong murder sa Filipino transgender na si Jeffrey Laude alias Jennifer ang ina ng biktimang si Julieta sa Olongapo City.

Muli ring bumalik ang akusadong si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Naging sentro ng pre-trial ang usapin ng plea bargaining agreement ng prosekusyon at depensa.

Bagama’t iginigiit ng pamilya Laude na hindi nagbabago ang kanilang paninindigan na magkaroon ng hustisya sa pagkamatay ni Jennifer,sinabi ng abogado ng pamilya Laude na si Atty. Virgie Suarez na bukas ang prosekusyon sa posibilidad na pagkakaroon ng plea bargaining agreement sa kaso.

“Kung magpi-plead siyang (Pemberton) guilty sa kasong homicide ay isang bagay na pag-iisipan ng pamilya Laude wala pang konkretong offer na ganyan. Posible naman talaga yang mangyari sa plea bargaining,” ani Atty. Suarez.

Ayon naman sa ina ni Jennifer na si Aling Julieta, “Mula nang pinasok itong kaso, ang gusto lang namin ay makulong sya at pagbayaran ang ginawa nya sa anak ko.”

Sa ilalim ng plea bargaining, maaaring magpasok ng guilty plea ang nasasakdal sa kaso na may mababang kaparusahan.

Ang plea bargaining ay bahagi ng rules of criminal procedure.

Sakaling pumayag rito ang pamilya Laude, maaaring ibaba ang kasong murder na kinakaharap ni Pemberton sa kasong homicide.

Ang kasong murder ay may parusang 20 taon at isang araw hanggang 40 taong pagkakakulong, habang ang kasong homicide ay may parusang 12 taon at isang araw hanggang 20 taong pagkakakulong.

Nilinaw naman ni Atty. Harry Roque na wala pang formal offer ang kampo ng US Marine hinggil dito.

“Walang inalok at wala kaming hinihingi, yan ang katotohanan. Ang hinihingi namin ay katarungan. Hindi namin alam ano ang mangyayari sa prosesong ito,” anang abogado.

Sa linggong ito ay nakatakdang mag-usap ang mga public at private prosecutor hinggil sa usapin ng plea bargaining.

Samantala, sa Marso 23, Lunes, ay ipagpapatuloy ang pre-trial hearing at sisimulan na rin ang trial proper sa Laude murder case. (Bianca Dava / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481