Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Paglilipat ng Pandacan oil depot, pinagtibay ng Korte Suprema

$
0
0

FILE PHOTO: PNP Pandacan Oil Depot (UNTV News)

MANILA, Philippines – “The motion for clarification is denied, motion for reconsideration is also denied.”

Ito ang pahayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te kaugnay ng mga inihaing mosyon sa Korte Suprema na naglalayong ipatigil ang pagpapalipat ng oil depot sa Pandacan, Manila.

Dineny ng korte ang inihaing motion for clarification ng kumpanyang Chevron, kung saan nais nito na manatili pa rin sa naturang oil depot ang ilan sa kanilang mga produkto.

Hindi rin pinagbigyan ang hiling ng Shell na magkaroon ng panibagong ruling dahil sapat na anila ang batayan ng korte upang ilipat ang Pandacan oil depot.

November 25, 2014, nang ianunsyo ng Supreme Court na labag sa Saligang Batas o unconstitutional ang Manila City Ordinance No. 8187 na nagbibigay pahintulot na manatili ang operasyon ng mga kumpanya ng langis sa Pandancan.

Ang naturang city ordinance ay naipasa at sinimulang ipatupad noong 2009 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Manila Mayor Alfredo Lim.

Sa botong 10-2 ng mga mahistrado ng Korte Suprema, pinagtibay na hindi dapat manatili ang oil depot sa Pandacan dahil itinuturing itong mapanganib sa buhay ng mga naninirahang residente sa lugar.

Binibigyan ng 45 araw ang Chevron Philippines Inc., Pilipinas Shell Petroleum Corporation at Petron Corporations upang makapagsumite sa Regional Trial Court Branch 39 ng detalyadong plano at iskedyul ng kanilang paglipat.

Samantalang anim na buwan naman ang palugit mula sa petsa na naisumite nila ang mga dokumento, kinakailangang matapos na ng mga nasabing kumpanya ang kanilang relokasyon.

Una nang nagpahayag ng panghihinayang ang ilang residenteng nakatira sa paligid ng Pandacan oil depot, dahil mawawalan sila ng kabuhayan sa oras na mailipat na sa ibang lugar ang malaking imbakan ng langis.

Nangako naman ang pamunuan ng Petron Corporation at Shell na susunod sa ibinabang desisyon ng korte.

(Joan Nano / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481