MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malakanyang na makatatanggap ng nararapat na benepisyo ang mga pamilya ng mga nasawing sundalo sa all-out offensive laban sa Bangsamoro Freedom Fighters (BIFF).
“Lahat ng benepisyo ay batay sa batas, merong benepisyo yung wounded in action, meron din naman benepisyo yung killed in action. Kaya’t ipapatupad naman ang mga benepisyong ito ng naaayon sa batas,” pagtitiyak ni PCOO Secretary Herminio Coloma Jr.
Sa mga nasawing opisyal o officers-killed-in-action, makatatanggap ang pamilya nito ng mahigit kalahating milyong pisong benepisyo. Aabot naman sa P584,000 ang matatanggap ng pamilya ng mga enlisted personnel.
Makakatanggap rin ng hanggang P100,000 ang sundalo o opisyal na nasugatan sa pakikipaglaban sa mga lawless element.
Bukod pa dito, kabilang rin sa ipinagkakaloob na mga benepisyo sa ilalim ng mga umiiral na batas ay ang libreng pagpapaaral sa mga anak na naulila.
“So, hindi namin pinababayaan, ang aming mga sundalo, ang kanilang benefits ay aming inaasikaso immediately dun sa araw na sila ay nagbuwis ng buhay para sa ating bayan,” pahayag ni Lt. Col. Harold M. Cabunoc, hepe ng AFP Public Affairs Office (PAO).
Inumpisahan ng AFP ang all-out offensive laban sa BIFF noong February 25. Sa kasalukuyan ay anim na ang naiulat na nasawing sundalo habang 31 ang nasugatan sa opensiba ng pamahalaan sa BIFF.
(Nel Maribojoc / UNTV News)