DAVAO CITY, Philippines – Umabot na sa mahigit 30,000 residente mula sa Central Mindanao ang apektado ng pagbaha dahil sa ilang araw na pag ulan.
Pangunahin sa mga apektadong lugar ang Cotabato City, Maguindanao Province, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Nagsimulang tumaas ang tubig baha sa mga nabanggit na lugar bunsod ng tatlong araw na pag-ulan dahilan para umapaw ang ilog ng Rio Grande De Mindanao.
Sa Cotabato City, umabot na sa 25 barangay ang lubog sa baha dahilan upang suspendihin ang klase mula elementarya hanggang high school sa lahat ng paaralan sa lungsod.
Lubog din sa baha ang 14 munisipalidad sa Maguindanao at 7 munisipalidad sa North Cotabato.
Ang nasabing mga munisipalidad ay nakapalibot sa Liguasan Marsh na nauna na ring umapaw dahil sa mga pag ulan.
Tiniyak naman ng mga lokal na pamahalaan na mabibigyan ng relief goods ang mga apektadong residente. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)