MANILA, Philippines – Bukod sa mga OPM artist na maghahandog ng mga awit para sa pamilya ng tinaguriang “Gallant 44”, inaabangan din ang mga awit na maririnig sa “Songs for Heroes” benefit concert sa March 19 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ineensayo pa lamang ng mga panauhing mang-aawit na sina Mcoy Fundales at Jek Manuel kasama ang PNP at AFP Chorale ay naantig na ang kanilang damdamin sa mensahe ng kanilang hinahandang awit.
Ayon kay Mcoy, “Medyo malaki po yung responsibilidad namin sa concert because we are one of the people who will open the show and thankfully yung na-assign sa aming kanta yung mga kanta na hindi ka banda sa Pilipinas pag di mo dinaanan yung mga pyesa na ‘yun. Basta isang malaking pasasalamat yung pyesa nay un, it felt good kasi everybody would sing along with it.”
“Ito yung one-way of saying Thank You, hindi lamang naman dun sa SAF 44 kundi dun sa nag-aalay ng kanilang mga buhay para sa sambayanang Pilipino,” saad naman ni Jek Manuel.
“Napakaganda ng choices, no. 1 it features Filipino artist’s music at yung mensahe po nya ay talagang angkop na angkop para… this is 1 time for us to unite as nation not only your Armed Forces and the Police but also as 1 nation we unite for peace based on justice towards development,” ani Capt. Edgar Posadas, isa sa mga miyembro ng AFP Chorale.
“Very good choices of songs kasi very related at tsaka talagang hindi po sya pang pa-drama, the songs were chosen para magkaroon lang ng meaning dun sa mga singers and at the same time sa mga pamilya ng Gallant 44 kaya kami din very excited talaga,” excited na pahayag ni Leo Peter Gonzales, Musical Director ng PNP Chorale.
Ilan pa sa aabangan sa konsyerto ay ang mga premyadong singer tulad nina Noel Cabangon, Bo Cerrudo, Jay Durias ng Southborder, Faith Cuneta, Jonalyn Viray at Gerald Santos.
Kasama rin ang mga baguhang mang-aawit na sina Shanne Velasco, Beverly Caimen, The Voysing, Bueno Sisters at ang magkapatid na si Bembe at Triposa Erese.
Matutunghayan din sa “Songs for Heroes” concert ang pagbabalik ng sikat na banda noong dekada 90 para awitin ang kanilang pinasikat na awit, ang Neocolours. (Adjes Carreon / UNTV News)