QUEZON CITY, Philippines – Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang mga sugatang sakay ng dalawang motorsiklo matapos maaksidente sa East Avenue corner Elliptical Road sa Quezon City.
Nagtamo ng gasgas sa tuhod at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawa matapos matumba ang sinasakyan nilang motorsiklo bunsod umano ng madulas na kalsada dulot ng tumagas na langis.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang minor injuries ng dalawa ngunit tumanggi na silang magpadala sa ospital.
Ipinagbigay-alam naman ng UNTV News and Rescue sa mga tauhan ng MMDA ang tumagas na langis sa lugar upang hindi na masundan ang aksidente.
Nauna rito ay isa pang motorcycle rider ang naaksidente dahil sa tumagas na langis.
Nagpaalala naman ang mga tauhan ng MMDA sa mga motorista na agad ipaalam sa kanilang tanggapan sakaling may madaanang oil spill sa kalsada upang huwag nang magdulot ng aberya. (Jerico Albano / UNTV News)