MANILA, Philippines — Nanawagan si Mayor Junjun Binay kay Vice Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. na bumalik na sa kanyang dating tanggapan at gawin ang mga trabahong iniatas sa kanya upang hindi mabinbin ang ilang transaksyon sa munisipyo.
Ito ay matapos na katigan ng korte ang writ of preliminary injunction na nagpapalawig sa temporary restraining order na una nang inilabas ng CA.
Tinatayang nasa isang daan at limampung empleyado pa rin ng munisipyo ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang mga sweldo partikular na ang mga miyembro ng konseho.
Pahayag ni Mayor Junjun Binay, “Nakikiusap po ako kay Vice Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. na siya po ay gawin na ang kanyang trabaho bilang vice mayor ng ating lungsod, at sana po ay unahin na nya ang pagpirma ng payroll ng mga empleyado dito para makasweldo na sila.”
Bukod kay Peña ,nakiusap din si Mayor Binay sa Department of Interior and Local Government na alisin na ang mga naka-deploy sa pulis sa paligid ng city hall bilang pagtalima sa kautusan ng korte.
Kung dati ay punong puno ng mga taga-suporta itong open grounds ng Makati City Hall sa ngayon ay balik na sa normal ang sitwasyon sa munisipyo, nakauwi na ang lahat ng mga supporters na halos isang buwan ding nagbantay at nagprograma dito.
Ilang ulit namang sinubukang ng UNTV News na hingan si Vice Mayor Peña ng reaksyon ngunit hindi niya sinasagot ang aming mga tawag. (JOAN NANO / UNTV News)