MANILA, Philippines — Itinuturing na pinaka-kritikal ang mga araw na natitira bago matapos ang maintenance shutdown ng Malampaya sa April 14, subalit naniniwala ang Meralco na hindi magkakaroon ng brownout sa mga nasasakupan nito dahil sapat naman ang supply ng kuryente, sinabi rin ng Meralco na malabong mangyari sa Metro Manila ang nangyari sa Mindanao dahil nasa kondisyon ang kanilang mga pasilidad.
Mahigit walong libong megawatts ang konsumo sa kuryente ng Luzon nitong Martes. Sobra ng mahigit isang libong megawatts sa kabuuang supply ng Luzon na mahigit siyam na libong megawatts.
Bagama’t lubhang mainit ang panahon nitong Martes kontrolado ang supply at malabong magkaroon ng mga brownout.
Kapalit nito ay ang dagdag singil sa kuryente para sa buwan ng Abril na kinumpirma ng Meralco.
Ang dahilan, gumamit ng mas mahal na panggatong ang tatlong malalaking planta dahil hindi available ang natural gas ng Malampaya.
Pahayag ni MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga, “Malaki yung diperensya ng presyo ng natural gas sa liquid fuel, ibig sabihin kapag na factor in mo, sinama mo yung additional cost nung liquid fuel, talagang i-expect mong tumaas yung halagang generation cost.”
Subalit hindi natatapos ang problema sa maintenance shutdown ng Malampaya dahil mas magiging mainit ang klima pagdating ng buwan ng Mayo na magreresulta sa mas mataas na konsumo sa kuryente.
Sa tantya ng Meralco, aabot sa mahigit siyam na libo ang konsumo ng kuryente sa Mayo. Ayon naman sa Department of Energy, magiging kritikal rin ang buwan ng Hunyo at Hulyo dahil magkakaroong muli ng mga maintenance shutdown.
Ani DOE Sec. Jericho Petilla, “Take note, we ask some power plants not to maintain in May. Nilipat nila ng June so now we have to be on a look out in June. Kung hindi pa uulan sa June kasi, may possibility na extended ang summer. We’re not going to relax even if Malampaya shutdown will be completed by mid-April.
Paalala ng DOE at Meralco, magtipid sa kuryente upang makatulong na maging sapat ang supply ng kuryente upang maiwasan ang malawakang brownout. (MON JOCSON / UNTV News)