MANILA, Philippines — Mabilis na tinupok ng apoy ang isang residential compound sa road 1 corner Peralta Street, Gagalangin sa Tondo, Maynila pasado ala-1 ng madaling araw, Huwebes.
Ayon sa anak ng may-ari ng compound na si Pablo Elguera, nagsimula ang sunog sa inuupahang apartment ng isang nagngangalang “Bong”.
“May nakita daw nagaaway naghahabulan daw dyan tapos sinilaban ang bahay, sinasabi ko sa inyo walang sunog na nagsimula ng malaki laging sa maliit at maraming tao rito na papatay dun”
Nahirapan naman ang mga awtoridad na apulain ang apoy dahil bukod sa masikip na daan patungo sa compound, inagaw pa ng ilang residente ang hose ng tubig ng mga bumbero.
Ayon kay Fire Chief Insp. Bonifacio Carta ng Manila Fire District, limang bahay ang nasunog sa loob ng compound at tinatayang aabot sa 1.5-milyong piso ang halaga ng napinsalang ari-arian na umabot sa ikalimang alarma.
Katulong ang UNTV Fire Brigade na umapula sa sunog na tumagal ng isang oras. (Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)