MANILA, Philippines — “Mr. President, to please certify as urgent the ‘Bigger Pie, Bigger Slice” bill now pending in both houses of Congress,” ani Mayor Leonardo Javier na pangulo ng LMP.
Masiglang ipinakiusap ng League of Municipalities of the Philippines o LMP kay Pangulong Benigno Aquino III ang madaliang pagsasabatas ng Senate Bill 2045 o ang ‘Bigger Pie, Bigger Slice” bill ni Senator Koko Pimentel.
Ito ay naglalayong itaas ang alokasyon ng LGU sa buwis sa 50% mula sa dating 40%.
Ayon sa LMP, magpapabilis ito ng serbisyo ng local government unit sa publiko gaya ng sa imprastraktura, agrikultura, turismo at iba pa.
Subalit ayon sa Pangulo, may iba pang problema sa pagkukunan ng budget ang pamahalaan na dapat iprayoridad gaya ng pampasweldo at pensyon ng mga sundalo’t pulis.
“Yung sa atin pong unipormadong hanay, malaki po yung ginugugol natin lalo na sa retirement at sa pension. Siguro 2 years ago lampas 50-billion pesos na po. Next year, tinataya lamapas P80-billion na po ang pambayad doon,” ani Pres. Aquino.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi naman dehado ang LGU dahil bago pa niya mabasa ang panukala ay dinagdagan na ng pamahalaan ang internal revenue alotment o IRA bukod pa sa performance challenge fund at bottom-up budgeting ng mga ito.
Sa datos ng Pangulo, noong 2010 ay nasa P265.8-billion ang share ng IRA kumpara sa tinatayang halaga na P389.86-billion ngayong 2015.
Ang hamon ni PNoy, handang mag-award ng dagdag na pondo ang pamahalaan para sa mga masisipag na munisipyo.
“Sa mga nagpapakitang gilas hindi mahirap dagdagan ang inyong pondo sa mga marami naman pong problemang idudulot sa atin medyo nagiingat tayong dagdagan ang pondo.” (REY PELAYO / UNTV News)