ZAMBALES, Philippines — Amphibious assault ang isa sa highlight ng bilateral exercises ng Pilipinas at Amerika na dito isinagawa kung saan higit 250 kilometro ang layo mula sa Panatag o Scarborough Shoal — ang isa sa mga disputed territory ng Pilipinas at China.
Ang North Beach sa naval base ng Philippine Navy sa Luzon ay dalawang kilometro ang haba. Ito ang pinakamagandang lugar para sa amphibious landing exercise ng balikatan ayon sa US Armed Forces.
Pahayag ng Assistant Director ng US BK Exercise 2015 na si BGen. Christopher Mahoney, “So the complexity of this exercise is born out of the beauty of this training range. So it’s practical to use this training range in order to get all our objectives.”
Sa taong ito, nakasentro ang pagsasanay sa senaryong pagtatanggol sa teritoryo.
Sa pamamagitan ng US at Philippine Joint Task Force, babawiin ang nakubkob na isla ng mga kalaban.
Nang tanungin ang militar kung bakit sa Zambales na malapit sa West Philippine Sea napiling isagawa ang field training exercise, sinabi ni Colonel Jalandoni na hindi nito layuning palalain ang sitwasyon ng maritime dispute ng Pilipinas at China.
“We don’t do exercises in areas that have places of contention… this is an exercise remember and exercise is testing the capability of both forces.”
Layunin ng beach landing exercise na ito na mapagbuti ang inter-operability ng mga military asset at personnel ng AFP at US Armed Forces sa dagat at sa lupa.
Inter-operability ang tawag sa pagsasama ng dalawang magkaibang pwersa upang magampanan ng epektibo ang isang misyon.
350 sundalong Pilipino at 400 sundalong Amerikano ang nagsanay sa “boat raid”.
21 amphibious assault vehicles bukod pa sa UH1 cobra, UH1 Huey at AV8 Harriers bilang closed-air support ang ginamit sa amphibious assault exercise.
Bagaman kulang ang Pilipinas sa mga modernong kagamitan, ang pagsasanay kasama ang US Armed Forces ay malaking tulong na sa pagpapalakas ng kakayahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Col. Jalandoni, “This exercise is a good measure of looking at it that when it arrives, we are prepared already.” (ROSALIE COZ / UNTV News)