MANILA, Philippines — Nag-inhibit na rin sa pagdinig sa petisyon ng Ombudsman at hindi na nakisali sa oral arguments ngayong araw ng Martes sina Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Arturo Brion at Francis Jardeleza. Ngunit hindi sinabi ang dahilan kung bakit sila nag-inhibit.
Noong nakaraang Martes, kasama pa sina Justice Jardeleza sa mga nag-interpellate kay acting Solicitor General Florin Hilbay.
Una namang nag-inhibit sa pagdinig sa petisyon si Justice Diosdado Peralta.
Samantala, sa oral arguments sumalang sa pagtatanong ng mga mahistrado ang mga abogado ni Makati City Mayor Junjun Binay.
Nanindigan si Atty. Claro Certeza na nabalewala na umano ang anomang administrative liability ni Mayor Binay sa panahon ng kanyang unang termino matapos mahalal na muli sa pagka-alkalde ng Makati.
Maitutuloy naman ng Ombudsman ang imbestigasyon sa anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2 nang hindi sinusupende ang alkalde.
Ayon pa kay Certeza, ginagamit ng Ombudsman ang administrative case laban kay Mayor Binay upang mangalap ng ebidensiya para sa criminal case na isasampa laban dito. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)