MANILA, Philippines – Nagsimula na ang labanan ng mga ahensya ng pamahalaan sa basketball court para makuha ang UNTV Cup.
Nitong Linggo, August 5, sa Ynares Sports Arena, muling lumatag sa court ang team DOJ laban sa Philhealth.
Sa kabila ng pagtutulungan ng mga kawani ng DOJ at sipag sa bola ng dalawang kakamping celebrity players na sina Eric Fructuoso at Jao Mapa, hindi ito umubra sa koponan ng Philhealth kasama ang Legaspi brothers na sina Kier at Zoren.
138-43 ang resulta matapos magtulong-tulong ang key players ng government insurance corporation na sina Carlo Capati, Kenneth Emata at sentrong si Alex Noriega.
“Nakita ko yung time, alam ko last 5 seconds na, so hiningi ko rin ay Zoren eh, so I was very aware dun sa time kaya kung baga yung shoot ko na yun nasa timing naman lahat. But I was surprise nung pumasok di ba,” ani Kier.
Sa second game, panalo ang Team PNP kontra sa mga traffic enforcer ng MMDA.
Dumikit pa sa first quarter ang Team MMDA sa PNP sa pamamagitan ng mga 3 point shot ng celebrity player na si Emilio Garcia, ngunit tinatapan din ito ng mga tres ni Onyok Velasco ng PNP.
Sa fourth quarter, lumamang nang husto ang mga mamang pulis at nagtapos sa score na 117-70.
At sa third match, dikitan ang naging pagtatagpo ng mga koponan ng Judiciary at Congress-LGU.
Gumawa ng puntos sina TESDA Secretary Joel Villanueva, San Juan Vice Mayor Francis Zamora at former PBA-Shell player at ngayo’y Valenzuela Councilor Jerry Esplana para sa Congress-LGU.
Ngunit nakalamang pa rin ng isang punto ang judiciary 40-41 sa first half.
Sa last quarter, nagtambal ang aktor na si John Hall at former PBA-Talk and Text player na ngayon ay clerk sa Court of Tax Appeals na si Don Camaso.
Nagtrabaho din si James Blanco para sa koponan ng mga taga-korte.
Subalit kinapos ang score nito sa final, 99-95 pabor sa mga politician kung saan kabilang naman ang celebrity at former La Salle Green Archer na si Ervic Vijandre.
“Medyo familiar na po kasi naglaro na kami sa Sing and Shoot 1&2 so medyo familiar na kami sa strength ng bawat isa. We play as team, we communicate,” ani Ervic.
Sa susunod na Linggo, August 11, magapapatuloy ang elimination round ng UNTV Cup sa Ynares Sports Arena. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)