MANILA, Philippines — Matinding political pressure ang isa sa dahilan ni Customs Commissioner John Sevilla kung bakit napilitan na itong maghain ng resignation letter kay Pangulong Aquino nitong Miyerkules matapos ang matagal na panahong bali-balita na aalis na siya sa ahensya.
Ayon kay Sevilla, nangako siyang hindi magiging factor ang politika o palakasan sa pagpapatakbo ng Bureau of Customs gaya sa paglalagay ng mga tao sa pwesto at promosyon.
Subalit habang papalapit ang 2016 election ay pahirap nang pahirap aniya ang sitwasyon at pinangangambahang lalala pa ito.
Pahayag ng BOC Commissioner, “Walang lugar ang politika sa Customs walang lugar ang palakasan sa Customs… kapag pinagbigyan mo yung isa, ang daming hihingi. Isa sa dahilan para sa problema ng Customs ngayon is the fact that over the years ang daming nakisawsaw na hindi dapat nakisawsaw sa Customs.”
Inihalimbawa ni Sevilla ang pagtutulak umano ng isang religious group kay Atty. Teddy Raval na maging pinuno ng Enforcement and Security Service o ESS na isang presidential appointee position, ngunit tutol siya sa naturang ideya.
Aniya hindi nag-apply sa naturang pwesto si Raval, na kasalukuyang empleyado ng Customs, at walang ipinakitang dahilan o kwalipikasyon ang mga nagpapaabot ng impormasyon kung bakit siya dapat ilagay sa pwesto.
Subalit palakas umano nang palakas ang pressure upang iupo si Raval sa naturang posisyon.
Dagdag pa ni Sevilla, “Malakas ang tulak na ma-promote ang kanilang mga tao sa matataas at very powerful positions dito sa Customs. At kapag may nangyayaring ganyan dito sa Customs, ako ay nagdududa, ano ang motivation nila?”
Ayon kay Sevilla, epektibo ang kanyang pagbibitiw oras makapili na nang kapalit si Pres. Aquino upang hindi rin mabakante ng matagal ang pwesto.
Kinumpirma naman ng Malacañang na natanggap na ng pangulo ang resignation letter ni Sevilla at nagpapasalamat ito sa ipinakitang dedikasyon sa trabaho sa nakalipas na dalawang taon.
Pahayag ni PCOO Secretary Herminio Coloma Jr., “In behalf of the President, Secretary Purisima, thanked Commissioner Sevilla for his exemplary leadership in implementing reforms in the Bureau of Customs and for his dedicated service to the nation.”
Nanghihinayang naman si Sevilla na hindi niya natapos ang mga isinusulong na reporma sa Bureau of Customs.
Bukod sa pagsasaayos ng IT system ng BOC at ang mapabilis ang pagproseso sa mga imports, isa sa nais ni Sevilla na mabago sa kawanihan ang sistema ng pagpapanagot sa mga tiwaling tauhan ng ahensya.
Aniya sa 30 sinampahan niya ng administrative case ay isa pa lang ang nareresolba habang ang 29 ay hindi pa napaparusahan at patuloy na nagtatrabaho sa BOC.
Umaasa si Sevilla na may kakayahan ang papalit sa kaniya itutuloy ang reporma sa ahensya.
Hinikayat naman ni Sevilla ang mga stakeholder na nakikipag-ugnayan sa BOC na bantayan ang progreso ng ahensya sa mga susunod na araw.
Wala pang plano si Sevilla kung mananatili ito sa government service o pupunta sa pribadong sektor pagkatapos ng kaniyang panunungkulan sa kawanihan. (VICTOR COSARE / UNTV News)