MANILA, Philippines — Hindi na bagong istorya ang kaso ni Mary Jane Veloso na sinasabing biktima ng illegal recruiter.
Si Veloso ay inaresto at nahatulan ng kamatayan sa Indonesia matapos mahulihan ng two-point-six kilogram na heroin sa Yogyakarta airport noong 2010.
Ayon kay Senator Cynthia Villar na nagsusulong ng panukalang batas na magkaroon ng Department of OFWs.
Dapat magsilbing daan ito upang tutukan ng pamahalaan ang iba pang Pilipino na nahaharap sa death penalty sa ibang bansa.
Aniya, inosente man o hindi ay nararapat na tulungan ang mga ito ng gobyerno.
Dagdag pa ng senador, tinaasan na ang pondo ng DFA para sa legal assistance fund sa budget deliberation noong nakalipas na taon upang mas maipagtanggol ang mga kaso na dinidinig sa mga foreign court.
Mula P30-million ay naging 100 million pesos na ito.
Ayon naman kay Senador Nancy Binay, sana ay naiintindihan ng pamahalaan ang dahilan ng pagtaas ng budget para sa OFW Legal Assistance dahil nakababahala ang ulat ng DFA na may 77 Pilipino ang nasa death row sa iba’t-ibang bansa.
Naniniwala naman si Senador Francis Escudero Jr. na dapat magtulong-tulong ang mga ahensya ng pamahalaan upang asistehan ang mga OFW na may mga kaso sa abroad at dapat ding habulin ang mga illegal recruiter at mapanagot ang mga ito.
Pahayag ni Sen. Chiz, “Yung paghabol doon sa recruiter, DOLE yan; yung pagbigay ng benepisyo sa pamilya kung OFW siya, DOLE at POEA din yan. Pero yung pagsunod sa proseso ng pag-apela, pagbigay ng abugado ang lahat na iyan nasa ilalim at saklaw naman ng Department of Foreign Affairs.”
Samantala, iginiit naman ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon o Senado Union na ang kawalan ng disenteng trabaho at makataong wage system ang nag-uudyok sa mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon sa grupo, si Veloso ay isa lang collateral damage ng sitwasyon ng kahirapan sa bansa.
Nilinaw naman ng Malakanyang na matagal nang binibigyan ng ayuda ang mga OFW na may kaso sa ibang bansa lalo na ang mga nasa death row.
Pahayag ni Sec. Edwin Lacierda, “Lalo na sa mga kasong death penalty. Lalo na kapag may kailangan ang ating mga nationals abroad… we always make sure that we provide assistance to them in any form. If there’s a case filed against them and they are incarcerated, we send our embassy officials to look into their welfare. If legal assistance is needed, we provide legal assistance to our compatriots.” (BRYAN DE PAZ / UNTV News)