Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pagkakakilanlan ng African suspect na kasabwat ng recruiter ni Mary Jane Veloso, inaalam na ng NBI

$
0
0

Ang African na pinangalanang “IKE” na sinasabing kasabwat ng recruiter ni Mary Jane Veloso. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa mga awtoridad sa Malaysia upang matukoy ang pagkakakilanlan ng Aprikanong kasabwat ng recruiter ni Mary Jane Veloso na nakilala lamang bilang alyas “Ike.”

Si alias “Ike” ang nakipagkita sa recuiter ni Mary Jane na si Maria Kristina Sergio sa kanilang tinuluyang hotel sa Petaling Jaya, Selangor, Malaysia.

Ito rin ang nagbigay ng maletang naglalaman ng mga droga na ibinigay kay Mary Jane upang ibyahe patungong Indonesia.

Kasama si alias Ike sa mga inirekomenda ng nbi na kasuhan ng human trafficking.

Ayon kay Sec. Leila de Lima, sa ngayon ay wala pang report ang NBI kung taga saan talaga si alyas Ike.

“NBI, of course, is coordinating with their counterparts, sa Malaysia, where supposedly doon nangyari yung pag-abot nung luggage kay Ms. Veloso and then the place of nationality of that alleged alias Ike. That’s really part of the investigation now.”

Base sa description na ibinigay ni Veloso, tinatayang nasa tatlumpu hanggang tatlumpu’t limang taong gulang si alias Ike, may taas na 6’1 hanggang 6’3, malaki ang pangangatawan at may malaking tiyan.

Samantala, sumuko na sa mga pulis sa Cabanatuan, Nueva Ecija ang dalawang recruiter ni Mary Jane na sina Maria Kristina Sergio at Julius Lacanilao dahil natatakot umano sila para sa kanilang buhay.

Una nang iginiit ni Sergio na si Mary Jane mismo ang nagpumilit na pumunta ng Malaysia at nagulat na lamang sila dahil may mga contact na ito doon.

Pahayag pa ni DOJ Sec. Leila de Lima, “Hindi natin alam kung alin dyan ang totoo. She says, she says. Iba ang version ni Mary Jane, iba ang version nitong Sergio. So, dapat lang talaga imbestigahan.”

Itinakda naman ng DOJ sa susunod na Biyernes, Mayo 8 ang preliminary investigation sa mga reklamong illegal recruitment, estafa at human trafficking na isinampa ng NBI laban kina Sergio, Lacanilao at sa Aprikanong suspek na si alyas Ike. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481