MANILA, Philippines — Buwena-manong weekly winner sa buwan ng Agosto ang “Awit ng Puso” sa A Song of Praise (ASOP) Music Festival, Linggo ng gabi.
Komposisyon ito ng isang professional singer na si Janine Liao na binigyang buhay ng YouTube sensation at kilala bilang “Random Girl” na si Zendee.
“I’m super grateful, tapos sobrang thank you din talaga. Si Zendee pa ang naging interpreter di ba? Nagka-soul ang kanta ko,” masayang pahayag ni Janine.
Ayon naman kay Zendee, “ngayon po yung kinanta ko dito parang feeling ko kanta ko siya na kailangan ko pa siyang galingan nang galingan.”
Tinalo ng naturang awit ang mga komposisyon nina Edward Ting na “Aking Pupurihin Magpakailanman” na inawit ni Harry Santos at ang “Samahan ang Puso” ni Christopher John Marquez na inawit naman ni Lambert Reyes.
Samantala, kapwa naman nagpahayag ng suporta sa ASOP ang dalawang naging panauhing hurado na sina pop rock artist Lou Bonnevie at sikat na direktor na si Carlos Siguion-Reyna.
“ASOP is a wonderful program. I think we should push and I think everyone should watch it because una sa lahat, it encourages songwriters and it helps OPM,” ani Lou Bonnevie.
Umaasa naman si Direk Carlos na magpapatuloy pa ang magandang konsepto ng ASOP TV para sa kapakanan ng mga kompositor at industriya ng musika sa bansa.
“I think maganda yung concept ng show kasi ang focus talaga is yung sa music composition at nabibigyan ng you know… nabibigyan ng feedback yung composer who is also the lyricist sa mga kasong ito.” (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)