MANILA, Philippines — Sumabak nitong umaga ng Miyerkules sa isang joint maritime exercise ang PLH 22 Yashima na isa sa mga barko ng Japan Coast Guard na may mahigit sa 40 tauhan at ang BRP Nueva Vizcaya ng Philippine Coast Guard.
Sa isinagawang pagsasanay sa 1.8 nautical miles Northwest ng San Antonio, Cavite City, isang barko ang napaulat na pinasok ng 6 na armadong lalake.
Upang maberipika ang seajacking incident, inikutan ng helicopter ng Philippine at Japan Coast Guard ang barkong MV ABC Transporter.
Nang makumpirma, agad kumilos Japan Coast Guard upang pahintuin ang niloobang barko ngunit nang magmatigas ang mga pirata at umabante ang barko ng Japan upang harangin ito.
Dito naman kumilos ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang pasukin ang ABC transporter.
Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pirata ngunit nagawang masukol at mahuli ng mga tauhan ng PCG ang mga armadong lalake.
Matapos ma secure ang niloobang barko pumasok ang weapons of mass destruction team upang suriin kung may nakatagong mga armas, ang K9 team upang alamin kung may mga kontrabando sa barko at ang investigating team.
Ang bell helicopter ng Japan naman ang ginamit upang i-evacuate ang isang sugatang pirata at madala sa pagamutan.
Paliwanag ng Japan at Philippine exercise directors, walang kaugnayan ang pagsasanay sa tensyon sa West Philippine Sea kundi nakasentro ito sa paglaban sa piracy at armed robbery sa karagatan.
Pahayag ni Captain Artemio Abu ng PCG, “There’s a constant coordination should there be development when it comes to technology and we are testing if we are really improving our skills and the inter-operability.”
Sabi naman ni Captain Koichi Kawagoe ng JCG, “As long as the incident is related to piracy, we will coordinate our efforts.”
Bukod sa maritime exercise, may tatlo pang pagsasanay na gagawin ang coast guard ng Japan at Pilipinas sa taong ito.
Subalit hindi umano kasama sa pag-uusap ang joint patrols ng dalawang coast guards.
Sumaksi naman sa naturang Joint Maritime Law Enforcement Exercise ang mga deligado ng 11th heads of ASEAN Coast Guard Agencies High Level meeting na kinabibilangan ng mga pinuno ng coast guard mula sa Indonesia, Singapore, Japan, Sri Lanka, Malaysia, Pakistan, Vietnam, India, Thailand, Brunei, Korea at China.
Matatapos ang naturang high level meeting sa Huwebes.
Pahayag ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na si CMDR Armand Balilo, “This is one activity na yung mga coast guard from different countries nakakapag-usap and could discuss other matters like search and rescue, maritime safety, environmental protection. These are borderless issues na pwede namang pag-usapan. In fact sa kabila ng usapin doon sa West Philippine Sea, nandito yung China Coast Guard and we appreciate that.” (VICTOR COSARE / UNTV News)