QUEZON CITY, Philippines — Nagtungo sa Batasan Complex ang ilang biktima ng mga nagdaang bagyong tumama sa bansa.
Ilan sa kanila ay galing ng Tacloban City at Eastern Visayas na pawang biktima ng Bayong Yolanda noong 2013 at Bagyong Ruby at Seniang noong 2014.
Humiga sa kalsada ang mga raliyista upang ipakita ang kanilang hinaing na hindi nakararating sa kanila ang mga proyekto ng gobyero sa mga sinalanta ng bagyo.
Ayon kay Mang Nestor, magniniyog sa Tacloban City wala na silang ikinabubuhay matapos masira ng bagyong Yolanda, Ruby at Seniang ang kanilang niyugan.
Sa ngayon wala na aniyang tulong na nakararating sa kanila na una nang ipinangako ng pamahalaan.
Pahayag ni Nestor Libiko na biktima ng Bagyong Yolanda, “Hindi sapat kulang hindi nararamdaman ng mga biktima ng kalamidad hanggang ngayon kung titignan natin mga 2 beses lang nag-relief na may 2 kilong NFA rice sa mga biktima.”
Dahil dito 3 resolusyon ang inihain ni Anakpawis Party-list Rep. Fernando Hicap na humihiling na imbestigahan ng Kamara ang mga rehabilitation projects ng gobyerno sa nagdaang tatlong bagyo.
Sa House Resolution no. 947 nais nitong imbestigahan ang pagpapatulad ng ‘No Build at No Dwell Zone sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Pinaiimbestigahan naman sa House Resolution 1950 ang umano’y maling report ng NDRRMC sa halaga ng naging pinsala ng Bagyong Yolanda, Seniang at Ruby.
At ang House Resolution no. 669 ang umano’y over-price na mga bulkhouse na ipinagawa hanggang ngayon ay hindi pari napakikinabangan ng mga residente.
Pahayag ni Anakpawis Partylist Rep. Fernando Hicap, “Umaasa ako na magiging urgent ito at kagyat na dapat urgent kasi magdadalawang taon na yung Bagyong Yolanda hanggang ngayon gaun pa rin ang sitwasyon nila wala silang bahay na at hanapbuhay ang ating mga kababayan.”
Isang petisyon ang inihain ng grupo sa DSWD nitong Martes na nilagdaan ng mahigit 22-libong biktima ng mga nagdaang bagyo.
Hinihiling nila na bigyan sila ng cash for work at livelihood program at ipamahagi sa mga magniniyog ang 72-billion pesos coco levy fund.
Ayon naman kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, iginagalang nila ang proseso ng imbestigasyon na ito ng Kamara, “That is the prerogative of the Lower House.” (GRACE CASIN / UNTV News)