QUEZON CITY, Philippines — Dinetalyeng muli ni Marina Sula sa harap ng Sandiganbayan 5th Division ang kaniyang naging partisipasyon sa pork barrel scam.
Si Sula ang panglimang testigo ng prosekusyon laban sa dating APEC Partylist Representative na si Edgar de Leon Valdez.
Si Valdez ay kabilang sa pangalawang batch ng mga mambabatas na sinampahan ng kasong plunder at graft dahil sa PDAF scam.
Sa direct examination, inilahad ni Sula kung paano siya naging empleyado ng JLN Corporation at Jo-Christ Trading Company na parehong pagmamay-ari ni Napoles.
Ani Sula, ginamit lang ni Napoles ang JLN Corporation bilang front sa mga transaksyon sa mga mambabatas upang magamit ang pork barrel ng mga ito sa mga ghost project.
Sa kaniya ring testimonya, si Sula ang isa sa mga pinagkatiwalaan ni Napoles na magrehistro ng 27 non-government organizations at ginawang presidente ng isa sa mga ito — ang Masagang Ani para sa Magsasaka Foundation Incorporated o MAMFI.
Kabilang din umano sa mga inutos sa kaniya ni Napoles ang pagproseso ng mga bank transaction ng mga NGO na ito at ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon din kay Sula, isang porsyento kada transaksyon ng MAMFI ang kaniyang tinanggap mula kay Napoles.
Isa rin umano sa maraming mambabatas na naka-transaksyon ng MAMFI at ni Sula ang dating kongresista na si Edgar Valdez.
Nakita rin umano ni Sula si Valdez ng maraming pagkakataon sa opisina ni Napoles upang magbigay ng endorsement letter at kuhanin ang kaniyang komisyon mula 2005 hanggang 2007 o 2008.
Mariin naman itong pinabulaan ni Valdez at sinabing panibagong kwento na naman ito ni Sula.
Pahayag ni dating Congressman Valdez, “This is another story because she has executed five sworn statement before the Ombudsman, before the NBI of her own, she hasn’t mentioned anything like this. This is totally a different story now.”
Dagdag pa nito, hindi klaro ang mga pahayag ni Sula bagaman inamin naman niyang kilala niyang personal si Napoles.
“Well, that issue is debatable kasi pupunta to get money. I never did it pero kung siguro I went there to see someone else is another issue… Yes, I know her (Marina Sula),” anang dating APEC Partylist representative. (ROSALIE COZ / UNTV News)