Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

One-stop shop assistance para sa pamilya ng mga nasawi sa Valenzuela fire, sisimulan — PNP

$
0
0

FILE PHOTO: Ilan sa mga kamag-anak ng mga nagtratrabaho sa nasunog na factory sa Valenzuela noong nakaraang linggo. (MON JOCSON / UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Ipinag-utos na ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang paglalagay ng one-stop shop assistance center sa Valuenzuela City sa susunod na linggo.

Ang one-stop assistance center ang tutulong sa mga pamilya ng 72 nasawi sa sunog sa pabrika ng tsinelas sa siyudad nitong nakaraang linggo.

Ayon kay PNP-PIO Chief P/SSupt. Bartolome Tobias, matatagpuan ang one-stop shop assistance center sa Valenzuela City Hall kung saan may mga kinatawan mula sa PCSO, SSS, PAGIBIG, DOLE, DSWD at iba pang concerned agencies.

Sinabi ni Tobias sa pamamagitan nito ay mapapadali ang pag-proseso sa mga benepisyong dapat na tanggapin ng mga kaanak ng mga empleyado ng pabrika na namatay sa sunog.

Pahayag ni P/SSupt. Tobias, “Kung meron silang mga benefits o queries, problems o issues doon sa mga benefits-related matter, they will be timely assisted by the representative from the different agencies of government.”

Hindi naman tinukoy ng opisyal kung hanggang kailan tatagal ang one-stop shop assistance.

Idinagdag ni Tobias na ang PNP ang bahala sa peace and order sakaling dagsain ng mga kamag-anak ang one-stop shop na ipinalagay ni Sec. Roxas.

Samantala, tuluy-tuloy din ang pagtulong ng CIDG sa imbestigasyon sa malagim na sunog.

“Masagot na yung mga katanungan kung ano talaga ang nangyari, sino ung liable at accountable, responsible after mangyari yung insidente,” anang PNP-PIO chief.

Kinumpirma din ng tagapagsalita ng PNP na nasa police protective custody na ang lead welder ng Kentex Corporation simula pa noong nakaraang linggo matapos magpa-kustodiya dahil sa banta na natatanggap sa kanyang buhay. (LEA YLAGAN / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481