SHANGHAI, China – Patuloy na tumataas ang bilang ng mga biktima ng heat stroke sa bansang China dahil sa sobrang init ng panahon na namamayani sa bansa.
Dahil dito, nagbabala sa publiko ang mga dalubhasa sa Shanghai na mag-ingat tuwing lumalabas ng kanilang bahay.
Sa tala ng Health Ministry ng China, tinatayang nasa 11 na ang nasawi sa Shanghai dahil sa heat stroke at karamihan sa mga ito ay matatanda.
Ayon sa local meteorological department doon, naitala ang pinakamainit na temperatura noong buwan ng Hulyo na umabot sa 40°C. Pinakamainit umano ito sa nakalipas na sampung taon.
“Ngayon umaabot ng 40, 37 degrees, ang pinakamapanganib ngayon ay ang tinatawag nating heat stroke or tinatawag na heat injuries o overheat ng kaatwan,” pahayag ni Dr. Michael Ong, Suntec, Shanghai, China.
Dahil sa mainit na panahon, dagsa ngayon ang maraming tao sa beaches at swimming pools.
Payo naman ng ilang eksperto, iwasan muna ang outdoor activities upang hindi ma-heat stroke at kung hindi maiiwasan ay huwag kalimutang magdala ng inuming tubig.
“The best way to prevent is to avoid extreme weather, kapag lumagpas na sa body temperature (36-37 degrees) mas maganda i-cancel nalang ninyo ang mga outdoor activities ninyo. Kung kailangan talaga ay magdala kayo ng water or sports drink para hindi kayo matuyo,” ani Dr. Ong. (Dulce Alarcon / Ruth Navales, UNTV News)