MANILA, Philippines – Mismong si Senador Teofisto Guingona III ang naglunsad ng website upang mabasa ang mga komento at suhestiyon ng netizens kaugnay sa kanyang Crowdsourcing bill.
Tinawag itong “The Guingona Project” na may web address na http://theguingonaproject.com/
Nakapost na dito ang ibat-ibang komento ng publiko ukol sa Senate Bill 73 o Philippine Crowdsourcing Act of 2013.
Layunin aniya ng naturang website na mabigyang karapatan ang publiko na makapagbigay ng komento o suhestiyon sa isang partikular na panukalang batas sa pamamagitan ng social networking sites.
Magkakaroon naman ng probisyon para sa mga lugar na walang internet sa pamamagitan ng snail mail na tatanggapin ng committee secretariat.
Magkakaroon din ng probisyo upang hindi mabalam ang certified as urgent bill ng Palasyo.
Sakaling maging batas, magkakaroon lang ng isang umbrella website ang bawat panukalang batas na may moderator.
“Per bill, per website, di pwedeng sabay-sabay, chapsuey labas nun, may deadline din ang paglagay ng comments,” anang senador.
Nakakuha naman ito ng suporta mula kay Senador Bam Aquino.
Ayon sa bagitong senador, “The spirit of this bill is right alongside our push for democracy in greater participation of our people.”
Pag-aaralan ang suhestiyon o komento ng mga netizens bago aprubahan ang isang panukalang batas.
Welcome sa website ang constructive criticism, ngunit bawal naman ang libellous, at off-topic comments.
Hindi rin maipa-publish ang mga labag sa batas na post o comments.
Naniniwala ang The Guingona Project na may karapatan ang isang tao na makasali sa pagbuo ng isang panukalang batas na mapakikinabangan ng buong sambayanan.
Upang mabasa ng mga senador ang mga komento o suhestyon, maglalagay ng staff outfit na magaanalisa at mag-eevaluate nito.
Pagsasamahin ang magkakaparehong mga suhestyon at ilalagay sa isa o tatlong pahina upang mabasa ng mga mambabatas. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)