MANILA, Philippines – Nai-record na ang kaisa-isa at kauna-unahang novelty praise song na kasama sa commemorative album ng A Song of Praise (ASOP) Music Festival year 2 finals.
Ang awiting “Hallelujah” ay nilikha ng professional composer na si Marlon Mendoza na binigyang buhay naman ng magaling na komedyante at singer na si Bayani Agbayani.
“Masayang masaya ako kasi hindi ko ine-expect na yung novelty eh makagawa ako ng papuri na novelty kaya maingat ako sa lyrics. Nakagawa ako ng tamang tama na papuri sa Panginoon,” masayang pahayag ni Marlon.
Ayon pa kay Marlon, nakatulong sa magandang interpretasyon ang pagkagusto ni Bayani sa naturang awit na desididong isama ito sa kanyang sariling album.
“Di ba si Gary Valenciano, yan yung nagpakilala sa kanya, it’s about time na meron naman isang comedian na may papuri naman sa Dios na kakantahin na novelty song. Gagamitin ko ;’to, kakantahin ko, sana makapasok sya sa ere, sa radyo, sa TV, kasi ginawa ko naman ito hindi para sa akin, hindi para kay Marlon, para ‘to sa Panginoong Dios,” paglalahad ni Bayani.
Malaki rin ang pasasalamat ng komedyante sa pagkakaroon ng ganitong uri ng palabas sa telebisyon.
“Maraming maraming salamat sa ASOP, sana maraming marami pang variety shows sa TV hindi lang sa UNTV na gumawa ng mga ganitong bagay, ng ganitong tema ng show na pumupuri sa ating Panginoong Dios.” (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)