MANILA, Philippines — Sa kabila ng panganib, maraming pulis pa rin ang nagnanais na maging bahagi ng peacekeeping mission ng United Nations (UN).
Katunayan, maraming pulis ang dumadagsa sa Multi-purpose Building ng Camp Crame upang magsumite ng kanilang aplikasyon para sa naturang misyon.
Ang iba lumuwas pa galing probinsya upang makapaghain ng kanilang dokumento.
Ayon kay PO3 Florderic Loreno na lumuwas pa ng Maynila mula sa Guimaras, gusto niyang makatulong sa ibang bansa na nangangailangan ng tulong.
“First time, subukan ko kung papasa. To help yung ibang country na nangangailangan ng tulong.”
Nito lamang buwan ng Marso at Mayo ngayong taon, ilang Filipino peacekeeper na nakadestino sa Golan Heights ang dinukot ng mga rebeldeng Syrian ngunit pinakawalan din makalipas ang ilang araw.
Ayon kay PO3 Loreno, “in times of trouble prepared naman tayo.”
Katwiran naman ni SPO1 Glenn Pandalan ng Cavite. “yung risk nandiyan, kahit nandito ka nga sa bansa pag oras mo na, oras mo na.”
Ayon pa kay Pandalan, bukod sa makatulong sa ibang bayan, nais din niyang makatulong sa kanyang pamilya dahil sa malaking allowance na matatangap kapag naging peacekeeper.
Ang mga pulis na may ranggong Officer 3 hanggang police superintendent ang matiyagang pumila upang makapagpasa ng kanilang dokumento.
Sasailalim sila sa written examination gayundin sa pagmamaneho at paghawak ng baril.
Ang papasa ay magiging standby team ng PNP na siyang papalit kapag natapos na ang tour of duty ng mga kasamang pulis sa UN Peacekeeping mission.
Sa ngayon ay may 92 tauhan ng PNP ang ipinadala sa Liberia, Sudan, Haiti at iba pang lugar para sa isang taong foreign mission. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)