QUEZON CITY, Philippines — Malabo nang mailagay sa pinakamataas na posisyon sa Pambansang Pulisya ang mga heneral na magreretiro na sa serbisyo bago ang buwan ng Hunyo ng susunod na taon.
Ayon kay NAPOLCOM chairman at Department of the Interior and Local Government Sec. Mar Roxas ang mga kandidatong pinagpipilian para sa posisyon ng pinuno ng Pambansang Pulisya ay mga star rank na ang serbisyo’y lampas pa ng June 2016.
Pahayag ni DILG Sec. Mar Roxas, “Ayaw ng Pangulo na kung sino ang mapipili na sa gitna ng kanyang term na magre-retire tapos magkakaron muli ng new designation. So, ang tinitingnan ngayon ay yung retirement ay lampas na sa June 30.”
Kung pagbabatayan ang pahayag ni Roxas, hindi na makakasama sa pagpipilian bilang bagong PNP chief ang number two rank na si Deputy Chief for Operations at most senior police officer na si P/DDG Marcelo Garbo na isa sa mga matunog na posibleng ipalit kay PNP-OIC P/DDG Leonardo Espina.
Si Garbo ay sa March 2 ng susunod na taon magreretiro sa serbisyo na miyembro ng PMA Class 1981, ka-batch nina Gen. Purisima at Gen. Espina.
Malabo na rin ang pagiging PNP Chief kay P/Dir. Juanito Vaño, ang kasalukuyang directorate for logistics, na magreretiro naman sa May 30 ng susunod na taon.
Habang pasok naman sina CIDG Chief P/Dir. Benjamin Magalong na sa Dec 15, 2016 pa magreretiro, at si Directorate for Operations P/ Dir. Ricardo Marquez, na sa August 28 ng susunod na taon magiging epektibo ang retirement.
Ang pinakamatunog na magiging susunod na pinuno ng Pambansang Pulisya ay si P/CSupt. Raul Petrasanta na director naman ng Police Regional Office 3.
Si Petrasanta ay class 84 ng PMA na nakatakdang magretiro sa June 10, 2017.
Kaugnay nito sinabi ni Roxas na tuloy pa rin ang ginagawang interview ng pangulo sa mga star rank ng PNP bilang bahagi na pamimili para sa susunod na hepe ng Pambansang Pulisya.
“Marami rami na ang mga nakausap ng pangulo at siguro sa darating na araw ay may mga balita nang ipapamahagi sa inyo.”
Idinagdag pa ni Sec. Mar Roxas na isinasaalang alang din ng pangulo sa pagpili ng susunod na pinuno ng Pambansang Pulisya ang halalan sa susunod na taon. (LEA YLAGAN / UNTV News)