MANILA, Philippines – Inihahanda na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kasong obstruction of justice laban sa kumpanyang Petron gayundin sa motor tanker na MT Makisig ng Herma Shipping Lines matapos tumanggi ang mga ito na makipagtulungan sa ahensya kaugnay ng malawakang oil spill sa Cavite.
Ayon kay PCG Marine Environmental Protection Command, Commodore Joel Garcia, unang nakita ang oil spill sa bayan ng Rosario na tinatayang umabot hanggang Naic, Tanza at Tarnate, Cavite.
“They refused to give the coast guard a sample of their product for no reason at all and I reminded them that its tantamount to violation of PD1829, which is obstruction of justice but despite of that info given to them that the coast guard has the authority in marine environmental protection initially they continued to defy our request,” ani Garcia.
Sa ngayon ay nasa 20-by-15 kilometers na ang nasakop ng oil spill at pinangangambahang umabot pa sa ibang lugar.
Nasa labing-limang bayan na rin ang iniulat na apektado ng masangsang na amoy, at tinatayang 500-libong litro ng diesel fuel na ang kumalat sa coastal area at karagatan ng Cavite.
“Tolerable standard with respect to oil content in sea water is 15 parts per million but based on our initial report on the ground it appears that its more or less 200 parts per million,” pahayag pa ni Garcia.
Isinailalim na sa lab testing ang mga water sample na kinolekta ng PCG sa ilang lugar na apektado ng oil spill upang mabatid kung saan nagsimula ang oil spill.
Ayon kay Garcia, kasama sa pangunahing tinitingnan nilang pinagmulan nito ang grounded vessel na MT Makisig.
Batay sa isinagawang marine lab analysis ng PCG kaninang umaga, lumalabas na magkapareho ang langis na nakuha sa dagat at langis sa MT Makisig.
Samantala, dalawang team ang agad na ipinadala ng coast guard upang pigilan ang pagkalat ng langis sa ibang lugar kabilang na ang Corregidor. (Francis Rivera / Ruth Navales, UNTV News)