MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na makabalik na sa kanilang trabaho ang daan-daang Filipino worker na naapektuhan ng freeze hiring ng Taiwan.
Ito’y matapos humingi ng paumanhin ang Pilipinas sa Taiwan kahapon, Huwebes at ang pagrerekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng kasong kriminal ang walong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumaril at nakapatay sa isang Taiwanese fisherman sa Balintang Channel noong Mayo 9.
Ayon kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac, nasa 400 OFW ang posibleng makabalik sa kanilang mga trabaho sa Taiwan.
“Nakapag-assist kami ng 400 na galing doon na hidi na-renew ang visa, siguro yung 400 na yun ang mabibigay ng oportunidad na makakabalik sa Taiwan.”
Sinabi pa ni Cacdac na patuloy sila sa pagpo-proseso ng mga papeles ng mga nais magtrabaho sa Taiwan sa kabila ng freeze hiring at inaabangan na lang sa ngayon ang pagbibigay ng working visa para sa kanila.—
“Ang nagyari nung freeze hiring may cut off kasi eh which is May 15. Applications before May 15 tatanggapin nila so that means sa POEA patuloy ang processing dun sa mga na approve o nag-apply ng work permit prior to May 15.” (Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)