MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Taiwan Foreign Minister David Lin na balik na sa normal ang relasyon ng Taiwan at Pilipinas matapos humingi ng paumanhin ang Philippine government sa nangyaring shooting incident sa Balintang Channel noong Mayo 9.
Ayon kay Lin, matapos ang masusing pag-uusap, nagpasya ang kanilang pamahalaan na alisin na ang mga sanction na ipinataw sa Pilipinas.
“According to the decision reached by a high-level official meeting and the direction of President Ma Ying-jeou and Premier Jiang Yi-huah’s, on behalf of our government, I announce that from today on, the eleven sanctions on the Philippines have been cancelled.”
Dagdag pa ni Lin, “our government will still regularly patrol to protect our fishery rights in the southern exclusive economic zone. We hope the Philippines will take specific actions to repair the bilateral relations.”
Magugunitang noong Mayo 15, halos tatlong buwan na ang nakalilipas, ay nagpataw ng sanction ang Taiwan sa Pilipinas dahil hindi umano ito kumbinsido sa paghingi ng pumanahin ng bansa hinggil sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel shooting incident.
Kasama sa mga sanctions na ito ay ang freeze hiring ng mga Pilipno sa Taiwan, pagtigil ng economic, agricultural at technological exchanges ng dalawang bansa, at pagkakaroon ng military drill sa karagatan ng Taiwan.
Sinabi ng Taiwan na ili-lift nila ang sanctions kung gagawa ng pormal na paghingi ng paumanhin ang Pilipinas, gayundin ang pagsasagawa ng malawakang imbestigasyon sa insidente at pagpaparusa sa mga sangkot na PCG personnel.
Nitong Huwebes, Agosto 8, ay pinuntahan ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Amadeo Perez ang pamilya ng namatay na mangingisdang si Hung Shih-Cheng, at humingi ng paumanhin.
Napagusapan rin dito ang pagsasaayos ng mga kailangan upang mabigyan ng kompensasyon ang pamilya ng nasawing mangingisdang Taiwanese. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)