MANILA, Philippines – Isinusulong ng Water for All Refund Movement o WARM na magkaroon ng independent body na reresolba sa reklamo ng mga konsyumer laban sa mga water concessionaire.
Ayon kay WARM Pres. Rodolfo Javellana, dapat na may grupo na nagbabantay sa mga metro ng tubig at sirang tubo upang masigurong tama ang sinisingil sa mamamayan.
“Dapat po niyan mayroong independent body na bubuoin ang regulatory office na syang magbabantay ng mga metro natin dahil ito’y cash register,” ani Javellana.
Ayon sa grupo, mahalaga na magkaroon nito upang may matakbuhan at mapagsumbungan ang mga konsyumer ng kanilang mga reklamo.
Wala rin aniyang ideya ang mga konsyumer kung saan idudulog ang sirang metro at sirang tubo ng tubig.
Sinabi pa ni Javellana na sa ngayon ay tila malabo ding matugunan ng MWSS regulatory office ang reklamo dahil miyembro din ng board of trustees ang chairman nito.
“Ito yung binigyan ng bonus yung board of trustees at meron isang nasa ilalim nya na tinawag na regulatory office, under pa rin kaya ito recommendatory pa rin, wala itong silbi, inutil.” (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)