MANILA, Philippines — Napili bilang song of the week sa ikalawang linggo ng Agosto ang awiting “Ang Tanging Pag-asa” sa A Song of Praise (ASOP) Music Festival, Linggo ng gabi.
Ito ay isinulat ng entertainment writer na si Yugel Losorata sa interpretasyon naman ng mang-aawit na si Jerome Abalos.
Aminado si Yugel na kahit isa syang manunulat ay hindi madali para sa kanya ang paglikha ng awiting papuri sa Panginoon.
“Grabe natutuwa ako yung sinabi ng judges na sincerity nung song. Para talagang na-realize ko tama yun. Hinintay ko talaga yung inspiration na dumating, hindi ko minadali yung song it took roughly ten months bago ko nasulat yung lyrics,” ani Yugel.
Muli namang nagpasalamat si Jerome sa muling pagkapanalo sa ASOP.
“Salamat po. Second time actually yung “Sa Iyong mga Kamay” yung kanta ko last year pero this time yung kay sir Yugel and yun nga happy rin ako talagang binigay sa’min ni Lord ang panalo.”
Tinalo ng naturang awit ang mga entry na “Higit Dyan” ni Eduardo Cadorna na inawit ng Videoke World champion ng bansa na si JV Decena at “Mula sa Aking Silid” na komposisyon ng dating grand finalist na si Gerwin Villa na inawit muli ng kanyang dating interpreter na si Jason Fernandez. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)