MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang katutubo, magsasaka at mangingisda ng Casiguran, Aurora upang hilingin na mapawalang-bisa ang Republic Act 9490 at 10083 o ang mga batas na lumikha sa Aurora Pacific Economic Zone (APECO).
Kasama sa hinihiling ng mga petitioner na maglabas ng TRO ang korte upang patigilin ang lahat ng mga proyekto sa special economic zone.
“Para sa amin, ito ay lumalabag sa social justice provisions o mga pangako ng social justice na napapaloob sa ating constitution,” pahayag ni Atty. Eirene Aguila.
Bukod sa paglabag sa social justice, nilalabag din umano ng naturang mga batas ang otonomiya ng mga lokal na pamahalaan.
Lumilikha din umano ito ng espesyal na teritoryo na may sariling sistema ng adwana o customs at pagbubuwis.
Ayon pa kay Aguila, ginamit na suporta ng mga petitioner ang inilabas na legal opinion ng DOJ nitong nakaraang Abril patungkol sa umano’y ilegal na land use conversion sa mga lugar na sasaklawin ng APECO.
“Lumabas po dyan ang opinion ng DOJ na nagsasabing ang mga lupain na nasasakop ng ASCOT ay dapat tinuturing na agricultural lands at sakop poi to ng CARP. Tapos lumabas ang pagsusuri ng NEDA na wala ding plano ang buong APECO project kaya ngayon napapanahon na kwestiyonin ang APECO superbody at superlaws na lumikha dito.”
Mahigit dalawang-libong ektaryang lupain sa Casiguran, Aurora ang masasakop ng mga proyekto ng APECO kasama na rito ang itatayong paliparan.
Ngunit kapalit umano ng pangakong pag-unlad ang pagkawala naman ng kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubong nakatira sa lugar.
“Apektado hindi lamang ang kabuhayan nila, pati kinabukasan ng mga taong nagdyan na at mga future generations dahil nawalan sila ng lugar sa Casiguran,” dagdag pa ng abogado.
“Nagkahiwa-hiwalay na kami dahil sa APECO. Yung kabuhayan namin naapektuhan ng APECO. Sana kung maaari sa lalong madaling panahon ay maayos sana iyan,” daing naman ng katutubong si Maria Prado.
Ito na ang ikalawang petisyon na humihiling na mapawalang-bisa ang mga batas na lumikha sa APECO. Una nang naghain ng hiwalay na petisyon ang grupong Anakpawis ukol dito. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)