LA UNION, Philippines – Naka-red alert na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng La Union na kasalukuyang nasa ilalim ng storm signal number 3 dahil sa Bagyong Labuyo.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Region 1 Director Melchito Castro na paraan ito upang agad na makaresponde sa mga pinsalang maaring idulot ng bagyo sa lalawigan.
“Lahat ng ating disaster risk management and council at ganun din sa lahat ng member ng agencies government nakaalerto since yesterday morning, katunayan nga may representative tayo dito coast guard at other agency at continues na nagmomonitor sa sitwasyon dito sa Region 1.”
Ngayong hapon ng Lunes ay nakakaranas na ang lalawigan ng malakas na hangin at walang tigil na pag-ulan.
Kasama sa mga mahigpit na binabantayan ng PDRRMC ang mga landslide at flood prone areas kasama ang mga bayan ng Agoo, Bauang, Caba, Bangar, Balaoan, San Fernando City, La Union at Santa Ilocos Sur.
Nakahanda na rin ang mga lugar na maaring gawing mga evecuation centers kung sakaling kailanganin. (Cristine Miranda / Ruth Navales, UNTV News)