MANILA, Philippines – Kasabay ng malakas na pagbuhos ng ulan ay bumuhos rin ang mga taga-hanga ng mga koponang kalahok sa kauna-unahang UNTV Cup sa Ynares Sports Arena nitong Linggo.
Sa unang laro ng triple header, naging epektibo ang run and gun strategy ng Philhealth upang selyuhan ang ikalawang nitong panalo laban sa Team Congress-LGU sa score na 98-73.
Tinanghal na best player of the game ang nag-iisang legitimate point guard ng Philhealth na si Kenneth Emata na gumawa ng kabuoang 20 points at nag-issue ng 6 assists.
Sa ikalawang game, bumangon naman ang Judiciary mula sa four-point game loss sa kanilang unang laro sa pamamagitan ng pagtalo sa Team DOJ sa score na 130-60.
Ang former Alaska aces back-up point guard na si Ariel Capus ang hinirang na best player of the game para sa Judiciary na kumamada ng 16 points , humatak ng 3 rebounds at 1 block.
Umasa naman ang PNP sa crucial three-points sa dying seconds ng laro para masungkit ang 72-69 victory kontra sa AFP.
Pinangunahan ni Ollan Omiping ang PNP sa pamamagitan 23 points para sa ikalawang sunod na pagwawagi ng mga pulis.
Sa 2-0 win-loss record ng PNP ay nakasama nito sa ibabaw ng standings ang Philhealth, samantalang nasa gitnang bahagi naman ang AFP, Congress-LGU at Judiciary na kapwa may tig-isang panalo at isang talo, habang hindi pa nakakapasok sa win column ang MMDA at DOJ. (Ryan Ramos / Ruth Navales, UNTV News)