MANILA, Philippines – Binabalak sa ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na palawakin pa ang sakop ng mandatory drug testing.
Kung dati ang mga nahuhuli lang dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga ang isinasailalim sa drug test, binabalak na rin ng DILG na isagawa ito sa lahat ng kanilang maaaresto.
“Kung ang isang tao ay naaresto based sa arrest warrant or in flagrante dahil may nakita na ginagawa siyang labag sa batas then mandatory isa sa imumungkahi natin ay yung pagmamandatory drug test para sa kanila napakaraming paglabag sa batas, mga krimen ay nauugnay sa drugs kaya pagiging malaking tulong ito sa atin,” pahayag ni DILG Secretary Mar Roxas.
Bukod sa mandatory drug test, pinag-aaralan din ng kagawaran na lawakan ang sakop ng reward system sa mga drug related accomplishment.
Sa ngayon ay tanging mga informant lamang ang nakatatanggap ng pabuya. Pero sa isusulong na pagbabago, nais ng kalihim na pati mga pulis at iba pang law enforcer ay mabigyan rin ng reward.
“Bigyan din natin ng reward ang ating kawani ng pulis, PDEA at NBI para lalo pa nating mapaigting ang laban sa illegal drugs.”
Ayon kay Roxas, hindi nakasaad sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na bigyan ng reward ang operatiba na nakagawa ng drug related accomplishments.
Pag-aaralan na lamang ng DILG kung kailangan ang pag-amyenda sa kasalukuyang batas o kailangan lang baguhin ang ilang alituntunin ng Dangerous Drugs Board (DDB). (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)